Batang Guro mulang Ateneo, hinirang na Makata ng Taon 2018

HINIRANG na Makata ng Taon 2018 si Christian Jil R. Benitez, isang instruktor sa Ateneo  de Manila University para sa kaniyang tulang “Sapagkat Pag-ibig ang Tuod sa Pinakamahabang Bugtong sa Kasaysayan.”

“Nagsusulat ako ng mga tula na may malayang taludturan ngunit naging hámon sa akin ang magsulat ng tula na may tugma at sukat. Nakatulong sa akin ang lektura ng dati kong propesor sa Ateneo na si Dr. Edgar Samar hinggil sa pagsulat ng tula na may antas tudlikan ang tugmaan.” banggit ni Christian.

Bukod sa paghirang na Makata ng Taon 2018, tatanggap si Benitez ng PHP30,000.00 at tropeo mula sa KWF. Tatanggap naman sina Aldrin P. Pentero ng PHP20,000.00 para sa Ikalawang Gantimpala at Paul Alcoseba Castillo ng PHP15,000.00 para sa Ikatlong Gantimpala.

Ang pagkilala kay Benitez ay gaganapin sa Araw ni Balagtas sa 2 Abril 2018 sa Orion Elementary School, Bataan. Ang Araw ni Balagtas ang hudyat din ng pagsisimula ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ng Filipinas.

Si Benitez ay nagtapos ng programang AB-MA Literature (Filipino) sa Pamantasang Ateneo de Manila. Kasalukuyang siyang nagtuturo ng Filipino, Panitikan ng Filipinas, at Kritisismong Pampanitikan

Kinilala na rin ang kaniyang mga tula sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Maningning Miclat Poetry Awards, at Loyola School Awards for the Arts.

Ang mga hurado ng timpalak ay sina Michael M. Coroza, Louie Jon Agustin Sanchez, at Enrique S. Villasis. Si Michael M. Coroza ay isang makata, Carlos Palanca awardee, at kasalukuyang Tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tatlong beses naman na itinanghal na Makata ng Taon si Louie Jon A. Sanchez. Si Enrique S. Villasis ay limang  beses nang nagwagi sa Don Carlos (2011, 2012, 2013) at scriptwriter sa telebisyon.

Kabilang sa mga naunang kinilalang Makata ng Taon mula pa noong 1963 ay ang mga ginagalang, premyado, at haligi na ng panitikang Filipino ay sina Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario, Bienvenido Lumbera, at Cirilo Bautista. Kinilala na rin biláng Makata ng Taon sina Ruth Elynia Mabanglo, Rogelio Mangahas, Lamberto Antonio, at Mike Bigornia.

Leave a Reply

*